Photo courtesy of Department of Health
Nagpaalala ang Department of Health o DOH sa publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na dulot ng matinding init, lalo na sa panahon ng El Niño.
Ayon sa kagawaran, nangyayari ang El Niño kapag umiinit ang malaking bahagi ng Karagatang Pasipiko, na nagdudulot ng mas mainit na panahon at mas kaunting pag-ulan sa loob ng ilang buwan.
Kabilang sa dapat bantayan ang heat exhaustion, na maaaring magdulot ng panghihina, sobrang pagkapagod, pagkahilo, pagsusuka at labis na pagpapawis. Mas seryoso naman ang heat stroke, na maaaring makitaan ng pagkawala ng malay, sobrang init ng katawan, hirap sa paghinga, pagkalito at kombulsiyon.
Payo ng DOH, magsuot ng magaan at maluwag na damit, manatiling hydrated at umiwas sa matagal na pagkakalantad sa araw. Kung makitaan ng palatandaan ng heat stroke, tumawag agad sa National Emergency Hotline 911 o dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na health facility.
Samantala, ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang lalakas pa ang El Niño mula ngayong buwan hanggang Pebrero 2027, at maaari itong umabot sa “very strong” o super El Niño bago matapos ang taon. Inaasahang magpapatuloy naman ang El Niño hanggang unang bahagi ng 2027.