Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kinumpirma ni Senadora Loren Legarda na nag-file siya ng medical leave mula August 3 hanggang 5, alinsunod sa rules ng Senado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Legarda na pormal niyang isinumite ang kanyang medical leave at hiniling sa publiko na huwag iugnay ang kanyang biyahe sa mga aniya’y walang basehang alegasyon laban sa kanya.
Iginiit din ng senadora na hindi dapat bigyan ng ibang kahulugan ang kanyang biyahe at huwag itong ikabit sa mga paratang na aniya’y nakasisira sa kanyang reputasyon.
Hindi naman isiniwalat ni Legarda ang dahilan ng kanyang medical leave, gayundin ang iba pang detalye tungkol sa kanyang naging paglalakbay.
Una na ring kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. ang paghahain ng medical leave ni Legarda.
Ang paglilinaw ni Legarda ay kasunod ng pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na umalis ng Pilipinas sina Legarda at anak na si Cong. Leandro Leviste noong August 2.
Ibinahagi rin ni Matibag na bigong tumalima si Leviste sa subpoena na ipinadala ng NBI noong Huwebes, August 6, kaugnay ng imbestigasyon sa alegasyong sangkot ito sa isang “honey trap” na naglalayong bitagin si Executive Secretary Ralph Recto.