Binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi nagpapahinga ang Pilipinas para palakasin ang puwersa at presensiya nito pagdating sa usapin ng military might.
Ito ang naging pahayag ni Sec. Teodoro kasunod ng pagtatapos ng Exercise Pitch Black 2026.
Sa harap mismo ng mga tauhan ng Philippine Air Force, sinabi ng kalihim na palakas nang palakas ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na kinikilala na rin sa buong mundo.
Kaya naman, hindi na rin basta-basta puwedeng biruin ang Pilipinas dahil sa kakayahan at husay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Testamento nga nito ang natapos na Exercise Pitch Black 2026, kung saan pinatunayan ng mga Filipino airmen ang kanilang kakayahan, lakas, at husay kasama ang mga mas advanced na air force mula sa 20 bansa. Kaya naman, dito rin makikita ang kahalagahan na dapat buhusan pa ng suporta ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas.