Dapat munang mabusisi ng Office of the President (OP) ang nilalaman ng mga panukalang muling ipagpaliban ang barangay at SK elections.
Tugon ito ni Communications Usec. Claire Castro nang tanungin kung bukas ba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan ang isinusulong na muling ipagpaliban ang SK at barangay elections.
“Sa ngayon po ay dapat mabasa muna kung anuman ang kanilang panukala. Hindi maaaring sumang-ayon agad, hindi puwedeng sumang-ayon o hindi sumang-ayon hangga’t hindi nakikita kung bakit kailangan ng ganitong klaseng panukala at bakit kinakailangang ma-postpone,” ani Castro.
Ayon sa opisyal, hindi maaaring sumang-ayon basta ang Pangulo sa anumang panukala nang hindi muna napag-aaralan ang detalye nito.
Mahalaga aniyang maunawaan ang dahilan sa muling pagpapaliban at kung bakit kailangan ito.
“So, mas maganda bago po sumagot ang Pangulo patungkol sa ganyang isyu ay makita niya kung ano ang nilalaman ng panukalang ito,” ani Castro.
