Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pahayag ni Ilocos Norte Representative at House Majority Leader Sandro Marcos tungkol sa umano’y concession na hiningi ng Duterte administration kapalit ng pag-endorso sa kaniya noong 2022 Elections.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, personal niyang nakausap ang Pangulo hingil sa usaping ito.
Sinabi lamang, aniya, ng Pangulo na napalaki niya nang tama ang kongresista.
Tiwala ang Pangulo sa kaniyang anak, at naniniwalang hindi ito magsisinungaling.
“Actually, tinanong ko rin mismo si Pangulo, kanina. At ang sabi lamang sa akin ay, ‘he has raised his kid well, and his son Cong. Sandro, will not lie.’ Iyon lang po ang binigay na mensahe ng Pangulo,” ani Castro.
Igagalang rin ng Palasyo ang desisyon ng mambabatas na huwag muna itong isapubliko.
Tungkol naman sa sinasabing power struggle sa likod ng pagkakawatak ng UniTeam, sinabi ni Castro na posibleng mayroong mga grupong nagnanais manatili o magkaroon ng kontrol sa Pangulo.
“Kahit siguro mabanggit, since ang sinabi naman po ni Congressman Sandro Marcos, ay hindi na po niya babanggitin ang mga identity nito, igagalang po natin na manatiling kung ano na lamang po iyong sinabi ni Congressman Sandro,” pahayag ni Castro.
Aniya, hindi ito pinayagan ni Marcos, lalo’t hindi ito makabubuti para sa pondo ng mga Pilipino at sa taumbayan.
“Makikita ninyo naman kung inyong iko-connect sa lahat ng mga sinabi ng Bise Presidente, nakikita ninyo kung ano ba iyong mga demands na maaring hindi napagbigyan ng Pangulo, dahil hindi ito makakaganda sa—first, pondo ng bayan, interes ng bayan, kaya hindi napagbigyan siguro ng ibang mga kahilingan, kaya sinasabi namin may power struggles, dahil may mga grupo na gustong manatili na posisyon at hawakan at kontrolin ang Pangulo at hindi iyon pinayagan ni Pangulong Marcos Jr,” paliwanag ni Castro.