Photo courtesy of Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang tinatayang 1,675 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱8.375 milyon.
Nakatago ang hinihinalang ilegal na droga sa loob ng isang resin rabbit figurine na ipinadala mula France. Idineklara ang parcel bilang “Indoor Decorative Molded Polyresin Ornament.”
Matapos makatanggap ng impormasyon mula sa PDEA, isinailalim sa inspeksyon ng Customs ang shipment. Nagpositibo sa indikasyon ng ilegal na droga ang K-9 sniff test kaya isinagawa ang 100% physical examination sa parcel.
Dito natuklasan ang puting mala-kristal na substance na nakatago sa loob ng rabbit figurine. Sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer, nakita rin ang indikasyon ng pagkakaroon ng ketamine.
Ayon kay District Collector Jairus Reyes, mahalaga ang mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa at maprotektahan ang mga komunidad.
Naglabas naman ang Customs ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na patuloy na paiigtingin ng BOC ang pagbabantay sa mga paliparan at iba pang daungan upang matukoy at mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.