Photo courtesy of COMELEC
Aminado si Commission on Elections Chairman George Garcia na maaaring pumasok sa mga pamantayang itinakda ng Supreme Court sa Macalintal doctrine ang kasalukuyang energy crisis bilang posibleng batayan sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ito ang sinabi ni Garcia sa pagdinig matapos usisain ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez kung maaaring ikonsidera ang krisis, inflation at pagtaas ng presyo ng gasolina bilang mga makabuluhang dahilan para ipagpaliban ang halalan.
Ayon kay Garcia, hindi na-anticipate sa inilaan na budget para sa November 2026 elections ang kasalukuyang energy crisis at posibleng pagtaas ng gastusin sa honoraria, training, hotel, pagkain at transportasyon.
Aniya, maaari itong makaapekto sa kakayahan ng COMELEC na maayos at mapayapang maisagawa ang halalan, lalo na’t maaaring hindi na sapat ang natitirang pondo dahil sa pagtaas ng mga gastusin.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na kung kakailanganin ng COMELEC ng karagdagang pondo, maaari itong maging “compelling reason” para sa Kongreso at posibleng pumasok sa mga pamantayan ng Macalintal doctrine.
Sa Macalintal doctrine, sinabi ng Korte Suprema na ang pagpapaliban ng halalan ay dapat nakabatay sa “important, substantial, and compelling reasons” at hindi masagasaan ang sa karapatang bumoto ng mga mamamayan. | ulat ni Kathleen Forbes