Nakahanda ang Government Service Insurance System (GSIS) na ipatupad at palawakin ang emergency loan program nito para sa mga lugar na naitala ang pinsala ng Bagyong Maymay at ng habagat, kasunod ng mga idineklarang state of calamity ng iba’t ibang local government units (LGUs).
Ayon kay GSIS Executive Vice President Joseph Philip Andres nitong Miyerkules, patuloy ang pag-update ng pondo sa sakop ng program. Kabilang na ang lalawigan ng Cavite sa mga pwedeng mag-apply para sa tulong-pinansyal simula ngayong Huwebes.
“Tuloy-tuloy po ang pagpapalawak namin sa coverage nito as soon as there is a declaration from the local government unit, ina-update po namin ito,” pahayag ni Andres sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon.
Binabantayan din ng GSIS ang iba pang mga lalawigan at munisipalidad na nakaranas ng matinding pagbaha at pag-ulan, tulad ng Pampanga, para sa posibleng pagsali ng mga ito sa sakop ng loan matapos makapaglabas ng opisyal na deklarasyon.
Mga Kwalipikasyon at Halaga ng Loan
Para sa mga kwalipikadong active members, kinakailangang sila ay nagtatrabaho o nakatira sa lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Para naman sa mga pensioner, kailangang residente sila ng idineklarang calamity area.
Inihayag ni Andres na maging ang mga miyembrong may umiiral pang emergency loan ay maaaring makakuha ng panibagong tulong-pinansyal hanggang P40,000
“Para sa mga existing members natin na may existing loan ay pwede po silang makapag-loan up to P40,000. Para ang mangyayari diyan, isasarado po iyong kanilang existing loan at magkakaroon sila ng proceeds na at least na P20,000 po,” dagdag ni Andres.
Para naman sa mga miyembro na walang umiiral na emergency loan, maaari silang manghiram ng P20,000. Ang loan ay may interest rate na 6% kada taon at babayaran sa loob ng 36 na buwan o tatlong taon.
Programang ‘Balik Ginhawa 2’ at Paraan ng Pag-apply
Bukod sa emergency loan, nananatiling bukas ang GSIS Balik Ginhawa 2 program para magbigay ng karagdagang bawas-gastusin sa mga miyembro at pensioners na may umiiral na obligasyon. Sa ilalim nito, pwedeng mabawi ng borrower ang loan amortizations na naibayad mula Disyembre 2025 hanggang Mayo 2026, kung saan lalawig ang repayment period nang walang dagdag na interes.
Maaaring maghain ng aplikasyon para sa emergency loan gamit ang GSIS Touch mobile application. Kapag naaprubahan, ang pondo ay ididirekta sa LandBank o UnionBank account ng miyembro sa loob ng isa hanggang tatlong banking days.
Para naman sa mga lugar na may problema sa signal o telecommunication services, maaaring magtungo ang mga miyembro sa pinakamalapit na tanggapan ng GSIS upang personal na magpatulong sa pagproseso.
Pinayuhan ni Andres ang mga kawani ng pamahalaan at pensioners na mag-abang sa opisyal na communication channels ng GSIS habang nagpapatuloy ang pagtanggap ng mga deklarasyon mula sa iba pang LGU.