📷 PCO
Nagsisimula nang makipag-ugnayan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga awtoridad upang imbestigahan ang pagpapakalat sa internet ng mga pekeng larawan at video—kabilang ang mga gawa sa Artificial Intelligence (AI)—na nagpapakita ng matinding baha at tambak ng basura sa Metro Manila.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, kinondena ni MMDA General Manager Undersecretary Nicolas Torre III ang ginagawang pagpapakalat ng mga lumang kuha at gawa-gawang larawan.
“Nagkakaroon na ng fabricated photos and videos na sinu-surface na lumang videos or outright and downright na talagang nag-manufacture ng AI-generated pictures na pinalalabas, baha pa rito at puno ng basura. Which is downright criminal, very, very malicious,” pahayag ni Torre.
Ayon sa opisyal, nakikipagkoordinasyon na sila sa Philippine National Police (PNP), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang matukoy ang mga nasa likod nito.
Inihayag din ni Torre na batay sa mga ulat ng lokal na pamahalaan, may malaking pagbabago at pag-unlad na sa sitwasyon ng pagbaha dahil sa mga siyentipiko at praktikal na hakbang ng pamahalaan. Kabilang sa mga lugar na nakitaan ng pagbuti ay ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela) at iba pang bahagi ng kalakhang Maynila, kung saan mas mabilis nang humuhupa ang tubig.
Basura, Pangunahing Sanhi pa rin ng Baha
Binigyang-diin naman ng MMDA na nananatiling malaking hamon ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura, na siyang nagpapasikip sa mga daluyan ng tubig at nagiging sanhi ng pagkasira ng mga pumping station.
Ayon sa datos ng agency, humigit-kumulang 1,000 tonelada ng basura ang nahahakot nila buwan-buwan mula sa mga pumping station at estero—o nasa 12,000 tonelada bawat taon. Dahil dito, nagpadala ang MMDA ng mechanized trash collector sa Baclaran kamakailan upang mabilis na maalis ang mga basurang inanod ng malakas na ulan.
Suportado rin ng MMDA ang anumang panukalang batas na magpapataas sa parusa laban sa maling pagtatapon ng basura. Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 25-002 (Series of 2025) na inaprubahan noong Setyembre 16, 2025, pinalawig ang multa sa pagtatapon ng basura kung saan nagkakahalaga ito ng ₱5,000 sa mga lungsod sa Metro Manila at ₱2,500 naman sa bayan ng Pateros.