Binigyang-diin ni House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na ang pag-uugali sa loob ng hukuman ay dapat may respeto, decorum, at tamang asal.
Anya, bagama’t magandang asal ang kabaitan, hindi dapat asahan ang pagiging “mabait” sa magkabilang panig sa korte.
Ginawa ni Diokno ang pahayag matapos hingan ng reaksyon ukol sa apela ng defense team ni Vice President Sara Z. Duterte na magkaroon ng “kindness” o kabaitan sa gitna ng paglilitis sa Senate impeachment court.
Inilahad ni Diokno na sa higit 30 taong karanasan bilang litigator, hindi ito ang pangunahing kahilingan sa loob ng korte, kundi ang pagsunod sa mga alituntunin at pagrespeto sa tribunal, sa kalabang abogado, at sa mga testigo.
Iginiit ni Diokno na ang tunay na pundasyon ng decorum sa korte ay respeto sa judge at sa kalabang panig upang mapanatiling maayos ang paglilitis kahit matindi ang hindi pagkakasundo.
Paalala ni Diokno sa mga nakatutok na estudyante ng abogasya, hindi tumitibay ang argumento sa pamamagitan ng pagtaas ng boses o pagsigaw sa kalabang abogado o pagputol sa testimonya ng testigo.