Mahigit 10,000 oportunidad sa trabaho ang naghihintay sa mga aplikante sa Ibalong Festival Grand Job Fair na gaganapin sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City, sa Lunes, Agosto 17, 2026.
Ayon kay Legazpi City PESO Manager Disodado “Dads” Rañeses, handang-handa na ang kanilang tanggapan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa malaking job fair, kung saan si Labor Secretary Francis Tolentino ang magiging guest of honor and speaker.
Lalahok sa aktibidad ang 54 employers, kabilang ang 20 government agencies at tatlong overseas recruitment agencies. Sa hanay ng pamahalaan, pinakamalaking oportunidad ang mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), na may tinatayang 4,000 bakanteng posisyon para sa mga nagnanais maging sundalo.
Para naman sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa, katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) upang gabayan ang mga aplikante sa tamang proseso at mga kinakailangang dokumento.

Umabot na sa 1,100 aplikante ang nakapag-online registration. Hinihikayat ni Rañeses ang iba pang interesadong job seekers na magparehistro online upang ma-prioritize ng PESO staff.
Pinapayuhan din ang mga aplikante na maagang pumunta sa venue dahil magsisimula ang Grand Job Fair sa ganap na 8:00 ng umaga.
Magkakaroon din ng one-stop shop services mula sa NBI, PSA, SSS at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa mga dokumento at serbisyong kailangan ng mga aplikante.