Photo courtesy of Albay Police Provincial Office
Iniimbestigahan na ng Legazpi City Police Station ang umano’y pagtapon ng granada na nagdulot ng pagsabog sa Lucky Gem Building Phase II sa Imperial Court Subdivision, Brgy. 24 Rizal Street, Legazpi City, bandang 7:00 ng gabi nitong August 13.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig ng malakas na pagsabog ang mga empleyado habang nasa cash area. Paglabas nila, nadiskubre nilang nabasag at nagkalat ang salamin sa draw court area dahil sa lakas ng pagsabog.
Sa pagsusuri ng CCTV, nakita ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng pulang helmet, itim na jacket, itim na pantalon, at puting tsinelas na naghagis umano ng hinihinalang granada bago naganap ang pagsabog. Agad siyang tumakas sakay ng itim na motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Nagsagawa na rin ng crime scene examination ang RECU5 at SOCO ng RFU5, habang tumutulong din ang CIDG Albay sa imbestigasyon. Patuloy rin ang hot pursuit at pagbusisi sa iba pang CCTV footage upang matukoy at maaresto ang suspek. Ayon sa Albay Police Provincial Office, wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente.