Photo Courtesy of Juban Municipal Information Office
Nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa iba’t ibang barangay ng Juban, Sorsogon, ngayong Sabado, August 15, sa ilalim ng “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” initiative ng pamahalaang nasyonal.
Sa halip na sa iisang sentrong pamamahagian, isinagawa ang distribusyon sa bawat barangay upang maging mas madali at accessible ang pagkuha ng ayuda ng mga benepisyaryo.
Pinangasiwaan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), sa pangunguna ni OIC MSWDO Janela Hainto, ang lokal na pagpapatupad ng programa, katuwang ang mga opisyal ng barangay para sa maayos na daloy ng pamamahagi.
Ang ayuda ay bahagi ng Assistance to Indigent Individuals or Families–Food Assistance Rice Distribution Project na pinopondohan ng Local Government Support Fund–Financial Assistance to Local Government Units para sa Fiscal Year 2026. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Juban, layunin ng barangay-level distribution na mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mismong komunidad upang mas madali itong mapakinabangan ng bawat kwalipikadong Jubangnon.