Nagbigay ng pahayag si Labor Secretary Francis Tolentino kaugnay ng panawagan ng Malacañang sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) na seryosong gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Kasunod ito ng mga ulat hinggil sa umano’y pekeng cleanup activities kung saan ilang benepisyaryo umano ang kumukuha lamang ng mga larawan para sa photo-op sa halip na aktuwal na isagawa ang mga ipinagkatiwalang gawain.
Hinikayat ni Tolentino ang mga benepisyaryo na maging responsable at aktuwal na tuparin ang kanilang mga tungkulin bilang bahagi ng programa.
Sa pagbisita ng kalihim sa Albay, tiniyak ni Secretary Tolentino na tututukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementasyon ng programa upang matiyak na maayos na naisasagawa ang mga aktibidad at tunay na nakikinabang ang mga kwalipikadong manggagawa.
Kaugnay nito, personal na dinaluhan ni Secretary Tolentino ang orientation ng 3,786 benepisyaryo ng TUPAD sa Legazpi City.
Sa loob ng 10 araw, magsasagawa sila ng canal at drainage declogging, minor repair at maintenance ng community gardens o HAPAG, dengue prevention at community sanitation, gayundin ang maintenance ng mga tourism site sa 35 barangay ng lungsod.
Bukod sa pagbibigay ng pansamantalang kabuhayan, inaasahang makatutulong ang mga gawaing ito sa pagpapanatili ng kalinisan, kaligtasan at kaayusan ng mga komunidad.
📷 DOLE Bicol