Photo courtesy of House of Representatives
Kapwa iginiit ng Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) na walang nakalaang pondo sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) para sa panukalang Pax Silica initiative.
Kasunod ito ng puna ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago sa biglang pagtaas ng panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) partikular para sa digital infrastructure development and management.
Paliwanag ni budget acting Sec. Kim De Leon, ang malaking pondong inilaan sa DICT ay para sa pagpapatupad ng bagong mandato sa ilalim ng E-Government Law, at hindi para sa nasabing industrial hub.
Ipinaalala naman ni Finance Sec. Frederick Go na panukala pa lamang ang Pax Silica initiative at wala pang napipirmahang kasunduan, kaya wala umanong inilagay na budget expense line item para rito.
Sinabi rin ni Go na walang ilalabas na budget ang pamahalaan para naman sa itatayong industrial hub sa New Clark City dahil ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) pa nga kikita mula sa renta sa property.
Bukod dito kung magkakaroon man ng project management expenses, dapat ay higit na malaki ang kikitain ng proyekto kaysa sa gagastusing pondo.