Sa susunod na linggo na lamang itutuloy ng House Committee on Appropriations ang budget briefing para sa P7.2 trillion National Expenditure Program (NEP).
Dapat ay may briefing ngayong araw ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na kabilang sa mga pinagkukunan ng kita ng pamahalaan para pondohan ang ilang programa.
Ngunit ipinagpaliban na muna ito bunsod na rin ng masamang panahon na dala ng Habagat.
Nagpasalamat naman si Committee Chair Mikaela Suansing sa pagdalo ng economic managers at mga kongresista sa briefing nitong Lunes, kahit na sinuspinde na ang pasok sa mga government office dahil sa pagbaha.
Una nang tiniyak ni Suansing na isinasaalang-alang nila sa inilatag na schedule ng budget briefings ang mga posibleng suspensyon sa trabaho.
Ngayong araw, ipatutupad ang work-from-home arrangement sa Kamara, ngunit magpapatuloy ang sesyon sa pamamagitan ng online conferencing.