Umabot sa 33,343 pamilya o 49,413 indibidwal sa Pangasinan ang naapektuhan ng mga pag-ulan na dulot ng patuloy na southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Miyerkules ng umaga, August 19, 2026.
Nagmula ang mga apektadong pamilya sa 169 barangay sa Districts 1 hanggang 3 ng lalawigan, kung saan naiulat ang pagbaha sa 64 na barangay sa ilang bayan at lungsod, kabilang ang Dagupan at San Carlos.
Namahagi na ang pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office, ng relief packs, hot meals, hygiene kits, at iba pang tulong para sa mga pamilyang lumikas.
Patuloy ring binabantayan ang antas ng tubig sa San Roque Dam, na nananatili sa ibaba ng normal high water level nito.
Patuloy ang pag-consolidate ng datos ng PDRRMO habang unti-unti nang humuhupa ang baha at bumabalik sa kani-kanilang tahanan ang ilang lumikas na residente kasabay ng pagbaba ng dami ng ulan.