Pinaiigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis at monitoring sa mga ilog, estero, drainage system, at coastal areas.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhin ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng patuloy na malakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, sa pamamagitan ng Estero Rangers at River Warriors, kasama ang mga ka-partner na organisasyon, pinapalakas ng DENR ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang makatulong na mabawasan ang pagbaha sa mga apektadong komunidad.
“Walang hinto ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga hakbang sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng mga sunod-sunod na pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa. Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhing ligtas ang mga residente sa gitna ng walang tigil na pag-ulan,” ani Castro.
Kung matatandaan, bahagi ang pinaigting na operasyon sa patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng malakas na pag-ulan.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang mga ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang pagbaha at iba pang panganib.
Kaugnay nito, inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipag-ugnayan sa Quezon City Government upang pagtugmain ang flood control master plan ng lungsod at makatulong na mapabilis ang pagbaba ng tubig-baha sa mga apektadong lugar.
“Pinaalalahanan din ang lahat na maging alerto at magbantay upang maiwasan ang disgrasya sa mga apektadong residente,” dagdag pa ni Castro.