Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Philippine Air Force (PAF) kaugnay ng mga alegasyon ng iregularidad sa mga promosyon at parangal na iginagawad sa mga reserve personnel.
Ayon kay PAF Spokespeson Col. Ma Christina Basco, napapatuloy ang imbestigasyon ng Reserve Command sa mga personnel record, orders, at promotion boards ng mga apektadong tauhan katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“On-going review ito no, extensive on-going review ’to. Covered na po nito lahat ng aspects nung policy as well as the ‘yung awards that were given to our reservist personnel…” ani Basco.
Sa opisyal na pahayag ng PAF, sinabi nitong sineseryoso nila ang lahat ng administratibong proseso kaugnay sa mga promosyon at parangal ng mga reservist.
Tiniyak ng PAF na papanagutin ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga umiiral na patakaran, alinsunod sa itinatakda ng batas, upang mapangalagaan ang integridad ng Air Force Reserve Service.
Matatandaang nag-viral online ang larawan ni PAF reservist Brigadier General Michael “Mikee” Romero kasama si AFP Chief of Staff General Antonio Nafarrete, kung saan kinuwestiyon ng mga aktibo at dating uniformed personnel ang dami ng medalya at badge nito. Sa kanyang pahayag, ipinagtanggol ni Romero ang kanyang serbisyo sa AFP, na aniya’y nakatuon sa pagpapalakas ng militar at pagsuporta sa mga tauhan nito bilang dating mambabatas at reserve force general.