Nanawagan ang ilang senador ng agarang imbestigasyon at mas mahigpit na hakbang para maiwasan ang pag-ulit ng insidente ng pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University Junior High School sa Zamboanga City.
Ayon kay Senator Bong Go, kailangang matukoy kung paano nakapasok ang baril sa loob ng paaralan at kung paano nagkaroon ng access dito ang isang 12-year-old na bata.
Iginiit ni Go na dapat ding imbestigahan ang posibleng pagkukulang sa seguridad ng campus at iba pang factors na maaaring nagbigay-daan sa insidente.
Binigyang-diin ng senador, na chairman ng Senate Committee on Youth, na dapat manatiling “zones of peace and learning” ang mga paaralan at hindi lugar na pinaghaharian ng takot at karahasan.
Kasabay nito, isinusulong ni Go ang agarang pagrepaso at pagpapalakas sa mga umiiral na batas at polisiya, kabilang ang Juvenile Justice and Welfare Act, gun control regulations, at school safety protocols.
Inihayag din niya ang planong pagsusulong ng Safe Schools and Violence Prevention Bill, na magtatakda ng national standards para sa school safety, kabilang ang mandatory school safety plans, taunang risk assessments, threat assessment and intervention teams, at mental health interventions.
Samantala, nanawagan din si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi dapat maging normal ang karahasan sa mga paaralan.
Kaugnay nito, isinusulong ni Cayetano ang Filipino Identity in Values Act, na naglalayong gawing bahagi ng pagkakakilanlang Pilipino ang mga pagpapahalagang makatutulong sa paghubog ng mas ligtas na komunidad.
Iginiit naman ni Senadora Loren Legarda ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa baril kasunod ng insidente.
Ayon kay Legarda, kailangang matukoy kung paano nakuha ang baril na ginamit sa pamamaril at kung may mga puwang sa batas o pagpapatupad nito na kailangang tugunan.
Binigyang-diin niya na responsibilidad ng mga may-ari ng baril na tiyaking hindi ito maa-access ng mga bata o iba pang hindi awtorisadong indibidwal. Nanawagan din si Legarda na suriin ang mga impluwensiyang nakapaligid sa kabataan, kabilang ang paraan ng pagpapakita at pag-normalize ng karahasan online at offline.