Pinangunahan ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi ng family food packs sa 207 pamilya o 779 indibidwal na kasalukuyang nasa evacuation centers dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Personal ding binisita ng alkalde ang mga evacuee sa ilang evacuation centers, kabilang ang Concepcion Elementary School, Dampalit Integrated School, Maysilo Elementary School, Malabon National High School, Panghulo Elementary School, at Tinajeros Elementary School.
Kabilang sa food packs ang tubig, bigas, noodles, canned goods, kape, at iba pang pangunahing pagkain para sa mga pamilyang pansamantalang nananatili sa evacuation centers.
Samantala, nananatiling naka-Red Alert ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Council sa lahat ng 21 barangay dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan at pagtaas ng tubig-baha.
Naka-activate din ang 24/7 Emergency Operations Center ng lungsod at lahat ng 21 Barangay Emergency Operations Centers, habang naka-standby ang mga search-and-rescue equipment para sa agarang pagtugon sa mga residente.
Ayon sa alkalde, patuloy na umaandar ang 40 pumping stations at floodgates upang makatulong sa pagkontrol sa tumataas na tubig-baha. Pinayuhan pa ang mga residenteng nasa mabababang lugar na manatiling alerto, sumunod sa mga opisyal na abiso, at lumikas kung kinakailangan.