May persons of interest na ang mga awtoridad sa pananambang sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, noong Sabado, August 15.
Sa panayam kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson Dir. Atty. John Rex Laudiangco, sinabi niyang tinututukan na ang isang alyas na “Nico,” batay sa impormasyon ng hindi bababa sa limang saksi at mga basyo ng bala na narekober sa pinangyarihan ng ambush.
Aniya, itinuturing ng Comelec na election-related incident ang pananambang dahil naganap ito sa election at campaign period, kasunod ng pagdalo ni Macacua sa aktibidad ng kaniyang political party.
Bagama’t isolated at generally peaceful ang buong BARMM, hiniling ni Laudiangco sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang imbestigasyon at papanagutin ang mga nasa likod nito upang mapalakas ang kumpiyansa ng publiko.
Giit niya, hindi dapat magdulot ang insidente ng maling impresyon na magulo ang buong BARMM dahil naganap lamang ito sa isang lugar.
Nanawagan naman si Laudiangco sa mga nakasaksi na makipagtulungan sa mga awtoridad at magbigay ng impormasyong makatutulong sa imbestigasyon. Samantala, una nang tiniyak ni Chief Minister Macacua na hindi makahahadlang ang insidente sa kanilang paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) at magpapatuloy ang serbisyo ng Pamahalaang Bangsamoro.