Walang naiulat na casualty sa lalawigan ng Bataan sa kabila ng halos tatlong linggong nararanasang pag-uulan dulot ng habagat.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head, Rowena Santos, ibinahagi nito na mayroong ilang mga munisipalidad na nakaranas ng pagbaha ngunit mabilis din naman aniyang humupa kapag tumigil ang ulan.
Ayon pa sa opisyal, dahil sa malakas na ulan at pagbaha sa ilang mga lugar, tinatayang nasa 384 na pamilya ang nasa mga evacuation center sa kasalukuyan sa iba’t ibang bayan ng probinsya.
Samantala, mula sa patuloy na pag-iral ng habagat na nagdadala ng mga pag-ulan, patuloy rin ang paalala ng PDRRMO sa mga mamamayan na manatiling alerto, i-monitor ang mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan, at kung kinakailangan ng tulong ay tumawag lamang sa kanilang tanggapan upang agad matugunan.
Tiniyak din ni Santos na patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa kinakailangang tulong at medical assistance sa mga nananatili pa sa evacuation centers.