Hindi maaaring idahilan na simpleng benepisyaryo lamang ng ₱125 milyong confidential funds si Col. Raymund Dante Lachica.
Ayon sa House prosecution panel, ito ay paglabag sa Joint Memorandum Circular 2015-01 ng Office of the Vice President.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni House Prosecutor Terry Ridon na hindi pwedeng maging authorized disbursing officer si Lachica dahil tahasang ipinagbabawal sa mga umiiral na alituntunin ang delegation of authority sa paghawak ng pondo.
Dagdag pa ni Ridon, hindi rin organic personnel ng OVP si Lachica dahil ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na kanyang kinabibilangan ay nakailalim sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Binigyang-diin din ng prosecutor na kung ipipilit na benepisyaryo si lLachica, nananatiling malaking katanungan kung paano na-liquidate ang ₱125 milyon kung saan kabilang sa mga lumabas na pumirma sa acknowledgement receipts ay ang alyas na “Mary Grace Piattos.”
Para naman kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na batay mismo sa testimonya ng dating OVP Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta, iisa lamang ang itinalagang SDO.
Sa ilalim ng joint circular, bawal na bawal ibigay o ilipat sa ibang accountable officer ang kustodiya ng pondo.
Inihayag din ni Tolosa ang naging pahayag ni Supervising Auditor Xylene Mae del Campo na hindi pwedeng italaga bilang SDO ang kahit sino lamang.
Ang isang SDO ay dapat na isang bonded officer upang garantisadong nasa ilalim ng kanyang direktang kontrol ang paggasta sa pera at may proteksyon ang pamahalaan sakaling magkaroon ng anomalya.
Malinaw sa audit rules na walang dapat na “intermediary” o tagapagitan sa pagitan ng SDO at ng mismong huling nakatanggap ng pondo—at malinaw na hindi si Lachica ang itinuturing na final recipient nito.