Nagpasalamat ang House prosecution panel kay Senator-Judge Erwin Tulfo matapos nitong sitahin ang tila biglaang paghihirap sa pag-unawa at pagsasalita ng Tagalog at Ingles ng OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta sa gitna ng impeachment trial.
Sa ika-16 na araw ng impeachment trial sa Senado, kinuwestiyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo sa pamamagitan ng isang manifestation ang napansin nitong pagbabago sa kilos ng hostile witness na si Gina Acosta.
Pinaalala ni Tulfo na noong dumalo si Acosta sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability bilang resource person, mabilis at bihasa itong sumasagot sa wikang Tagalog at Ingles—malayo sa ipinapakita nitong hirap sa pagsagot sa harap ng impeachment court.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., malaki ang naitulong ng obserbasyon ni Tulfo upang umusad at bumilis ang direct examination ni Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan kay Acosta.
Inamin ng prosecution panel na naging mabagal at paulit-ulit ang kanilang pagtatanong sa witness dahil kinakailangan pa nitong ipa-translate mula Tagalog patungong Bisaya ang mga tanong at sagot.