Tiniyak ni House Prosecution Adviser Robert Ace Barbers na tuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng mga lumalabas na balita hinggil sa diumano’y political “trade-off.”
Sinagot din ni Barbers ang mga hindi kumpirmadong ulat na palihim umanong nakipag-usap si VP Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang magbitiw sa puwesto kapalit ng pahintulot na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon sa mambabatas, baka “chika” o tsismis lamang ang naturang balita.
Paliwanag ni Barbers, nasa proseso ngayon ang Kongreso ng pagsunod sa Saligang Batas upang ipatupad ang accountability mechanism sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Binigyang-diin niya na kung mayroon man talagang usapan o “trade-off,” hindi alam ng prosecution panel.
Nakatutok aniya sila sa kanilang mandato at ito ay ang ipagpatuloy ang paglilitis, magpresinta ng mga ebidensya, at papanagutin ang opisyal ng gobyerno.
Mensahe naman ni House Prosecutor at San Juan City Representative Ysabel Maria Zamora, dapat na mag-ingat ang publiko sa mga balitang lumalabas sa online platforms dahil sa laganap na pagpapakalat ng mga trolls at pekeng balita o fake news.