Matapos ang malakas na pag-ulan kahapon (August 17), ininspeksyon din ni DPWH Sec. Vince Dizon ang San Juan River sa bahagi ng E. Rodriguez Avenue corner G. Araneta Avenue sa Quezon City.
Matatandaang umapaw ang ilog bandang alas-1:30 ng hapon nitong Lunes matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Sec. Dizon, ang pag-apaw ng San Juan River ang isa sa mga dahilan kung bakit binaha ang ilang bahagi ng G. Araneta Avenue.
Kinamusta rin ng kalihim ang isa sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha na si Nanay Lolita, na kinailangang lumikas kahapon.
Ayon naman kay Nanay Lolita, mas mabilis na humupa ang baha ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Aniya, kung dati ay umaabot ng 18 oras bago tuluyang humupa ang baha sa lugar, kahapon ay nasa anim na oras lamang bago ito mawala at muling maging passable ang G. Araneta Avenue.
Sa kabila ng improvement, sinabi ng kalihim na marami pang kailangang gawin para higit na masolusyunan ang pagbaha sa lugar.
Bukod sa tuloy-tuloy na dredging ng San Juan River, plano rin ng DPWH na magtayo ng mga detention basin sa ilang bahagi ng Quezon City bilang karagdagang flood mitigation measure.
Samantala, binigyang-diin din ng kalihim ang problema sa basura na nakaaapekto sa daluyan ng tubig. Ayon sa kanya, siyam na truck ng basura ang nahakot sa G. Araneta Avenue kahapon kasunod ng pagbaha.
Patuloy ang panawagan ng DPWH sa publiko na huwag magtapon ng basura sa mga drainage system at waterways.