Bagama’t nakapagtala ng napakalakas na buhos ng ulan sa Quezon City nitong Lunes, Agosto 17, nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hindi katulad ng naranasan noong Bagyong Ondoy noong 2009 ang pattern ng pag-ulan.
Ayon sa datos mula sa Science Garden Station ng PAGASA sa Quezon City, umabot sa 201.7 mm ang naitalang ulan mula ika-9 ng umaga hanggang ika-2 ng hapon nitong Lunes.
Malayo naman ito sa naitalang 455 mm na kabuuang ulan sa loob ng 24 oras sa kaparehong istasyon noong Bagyong Ondoy, ipinaliwanag ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando ang pangunahing pagkakaiba ng dalawang kaganapan.
“Heavy rainfall was continuous for about six hours during Ondoy. The recorded rainfall in Quezon City reached 341 mm in six hours,” pahayag ni Servando sa isang panayam.
Ayon kay Servando, mas mabilis at tuloy-tuloy ang buhos ng ulan noong Ondoy, samantalang patak-patak o may pagitan ang pagbuhos nitong Lunes.
“There was a surge. There was heavy rainfall during the five-hour window. It weakened after an hour, and a surge was observed again at around 2 p.m.,” dagdag pa niya.
Samantala, patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang umiiral na Habagat (Southwest Monsoon) sa malaking bahagi ng bansa, partikular sa Luzon at Western Visayas.
Patuloy ang paalala ng PAGASA sa publiko na maging alerto at mag-ingat laban sa posibleng banta ng biglaang pagbaha (flash floods) at pagguho ng lupa (landslides).