Iginiit ni Senador Ping Lacson na sa kabila ng paggastos ng gobyerno ng halos P1.939 trillion para sa flood control management program ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025, ay hindi pa rin nasusugpo ang problema sa pagbaha sa bansa.
Ginawa ni Lacson ang pahayag kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng malalakas na pag-ulan at habagat sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Sa isang social media post, sinabi ni Lacson na tila hindi nagtutugma ang laki ng pondong inilaan para sa flood control at ang patuloy na paglala ng pagbaha.
Batay sa datos na ibinahagi ng senador, mula sa mahigit P11 billion flood management funding noong 2011, unti-unting lumaki ang taunang pondo hanggang lumampas ito sa P100 billion noong 2018.
2011: P11.323 billion
2012: P10.816 billion
2013: P15.817 billion
2014: P30.001 billion
2015: P47.849 billion
2016: P67.740 billion
2017: P81.223 billion
2018: P139.001 billion
2019: P126.062 billion
2020: P116.047 billion
2021: P140.462 billion
2022: P145.622 billion
2023: P287.018 billion
2024: P346.771 billion
2025: P372.814 billion
Pinakamalaki ang inilaan noong 2025 na umabot sa P372.814 billion, kasunod ng P346.771 billion noong 2024 at P287.018 billion noong 2023.
Ayon kay Lacson, umabot na sa mahigit P1 trillion ang ginastos para sa flood management sa loob ng 15 taon, o tinatayang P350 million kada araw.
Dahil dito, patuloy na kinukuwestiyon ng senador kung naging epektibo ba ang paggamit sa napakalaking pondo para sa flood control.
Binigyang-diin ni Lacson na kailangang matukoy kung saan napunta ang bilyun-bilyong pisong inilaan para sa flood control at kung bakit nananatiling problema ang baha sa maraming lugar sa bansa.