Isinusulong ni Senador Vark villar ang isang panukalang batas na magpapalawig sa validity ng Professional Identification Card (PRC ID) mula sa kasalukuyang tatlong taon para gawin itong limang taon.
Sa inihaing Senate Bill 2391 ng senador, layong mabawasan ang oras, gastos o abala sa milyun-milyong filipino professionals na paulit-ulit na pagre-renew ng kanilang PRC ID.
Sa ilalim ng panukala, magiging valid sa loob ng limang taon ang lahat ng PRC-issued Professional Identification Cards, basta’t patuloy na nasusunod ang umiiral na legal at procedural requirements.
Inaatasan din ang PRC na ayusin at i-upgrade ang kanilang mga sistema para maging mas mabilis at episyente ang registration at renewal processes.
Sinabi ni Senator Mark na makatutulong ang panukala para mabawasan ang pila at congestion sa mga tanggapan ng PRC, habang nakatitipid din ang mga propesyunal sa oras at gastusin.
Layunin din ng senador na suportahan ang kampanya ng gobyerno laban sa red tape at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Giit ni Villar, ang oras at perang matitipid ng mga propesyunal sa hindi kinakailangang paulit-ulit na transaksyon ay maaari nilang gamitin sa trabaho, pamilya at patuloy na professional development.