Posthumous na binigyan ng Department of Education (DepEd) heroes award ang Grade 10 student ng San Jose National High School na si Chris Lorenz Fabian.

Ito ay matapos pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang parangal kasabay ng ikalawang taon ng DepEd Heroes Program.
Matatandaang noong ika-22 ng Hunyo, hinawakan at pinigilan ng batang scout ang pinto ng kanilang silid-aralan upang hindi makapasok ang gunman.
Dahil dito, nagtamo ng mga nakamamatay na sugat si Fabian ngunit nabigyan naman ng oras na makapagtago ang kanyang mga kaklase.
Ayon kay Secretary Angara, hindi nasusukat sa edad ang tunay na kabayanihan. Tiniyak ng kalihim na hindi malilimutan ng DepEd ang sakripisyo ng bata.
Tinanggap ng ina ng bata na si Erbea Fabian at lola nitong si Aleth Fabian ang parangal bitbit ang malaking pasasalamat sa kalihim.
Bukod kay Fabian, pinarangalan din ang mga guro at kawani ng paaralan sa pamumuno ni Dr. Liezl Pulga at Filipino Reading Coordinator Rosalyn Rosite. Pinuri sila sa mabilis na pagresponde at pag-lock ng mga silid-aralan sa gitna ng trahedya.
Sa kabilang banda, itinutulak na ng DepEd ang nationwide at whole-of-government school safety campaign sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga bagong security protocol ngayon sa mga paaralan ang paggamit ng metal detector, mahigpit na pag-inspeksyon sa mga bag at bisita, at pagsasagawa ng mga active threat drill. | ulat ni Bea Gaza-De Guzman | RP Batanes
📷 PCO