Photo courtesy of Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Aabot sa 36.19 toneladang mga basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang operasyon sa 27 sementeryo sa Metro Manila.
Ayon sa MMDA, saklaw nito ang mga petsang October 28 hanggang November 2 ng taong kasalukuyan o kasagsagan ng paggunita ng sambayanang Pilipino sa Undas.
Katumbas anila ito ng mahigit 15 truckload na basura o 1,695 na garbage bags na kanilang nahakot sa naturang panahon.
Nabatid na 316 tauhan ng MMDA ang nagsagawa ng mga operasyon sa iba’t ibang sementeryo upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa gitna ng pagdagsa ng mga dumadalaw sa sementeryo.
Giit pa ng MMDA, patuloy nilang isinusulong ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa mga pampublikong lugar.