Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang malalimang imbestigasyon hinggil sa motibo ng nangyaring pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na kinasasangkutan ng isang Grade 9 student.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Kalihim na nasawi na rin ang salarin sa krimen na kilala rin bilang isa sa mga nasa “top” notch ng naturang paaralan.
Sa panayam kay Remulla sa Kampo Crame, kinumpirma nito na dalawa ang nasawi kabilang na ang salarin, may isa pang sugatan habang may isa pang kinukumpirma pa kung nasugatan din sa pamamaril.
Una rito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na under control na nila ang sitwasyon sa naturang paaralan matapos ang mabilis nilang pagresponde sa insidente.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng unibersidad gayundin sa iba pang ahensya ng pamahalaan para tiyaking maayos na maililikas ang mga estudyanteng nakaranas ng trauma.
Hinimok naman ng PNP Chief ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon gayundin ng mga video at larawan ng insidente upang hindi magdulot ng takot at pangamba sa publiko.