Inilatag ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga masasayang na trabaho at kagamitang naihanda na sakaling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, kabilang sa posibleng masayang ang ginastos sa ilang buwang overtime ng mga tauhan at pasahod sa mga job order at casual employee na kinuha para sa pag-iimprenta ng mga balota at iba pang paghahanda.
Maaapektuhan din ang mga naimprentang listahan ng mga botante para sa nasa 225,000 presinto sa buong bansa dahil maaaring magbago ang mga pangalan sa listahan kapag muling binuksan ang voter registration.
May isang taong expiration din ang mga biniling ballpen at indelible ink kaya posibleng hindi na magamit ang mga ito kung lalampas sa nasabing panahon ang pagpapaliban ng halalan.
Nilinaw naman ni Garcia na maaari pa ring gamitin ang mga balotang naimprenta na para sa BSKE kahit nakalagay dito ang orihinal na petsa ng halalan.