Office of the Ombudsman
Kinukonsidera ng Ombudsman panel of investigators na isama bilang respondents sa plunder case laban kay former House Speaker Martin Romualdez ang apat na dating bodyguard ni ex-Cong. Zaldy Co.
Matatandaang napaulat na binawi ng apat ang kanilang mga naunang testimonya na nag-uugnay kina Co, Romualdez, at iba pang opisyal sa umano’y kickback sa flood control budget.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, wala pang natatanggap na opisyal na kopya ng kanilang recantation ang kanilang panel of investigators. Gayunman, naka-attach ang sinasabing recantation sa counter-affidavit na isinumite ni Romualdez noong Agosto 7.
Naisumite na rin ng panel ang kanilang reply, ngunit may nakabinbing motion for extension si Romualdez para sa paghahain ng supplemental counter-affidavit.
Ayon kay Clavano, posibleng isama sa kaso ang apat na dating security escorts ni Co kung hindi sila magiging testigo ng Ombudsman at maninindigan sa kanilang pagbawi sa mga naunang salaysay.
Samantala, binigyang-diin ng Ombudsman na nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa iba pang public officials na umano’y sangkot sa flood control mess.
May mga kasong naiakyat na sa Sandiganbayan, habang ang iba naman ay nasa preliminary investigation, kabilang ang mga kasong kinasasangkutan ng ilang senador.