Sumampa na sa 29 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dulot ng masamang panahong dala ng mga nagdaang bagyo gayundin ng #Habagat.
Batay ito sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung saan, nagmula sa Batangas at Rizal ang mga nadagdag sa bilang ng mga napaulat na nasawi.
Dagdag pa ng ahensya, umakyat na rin sa 19 ang napaulat na sugatan habang sumampa rin sa tatlo (3) ang bilang ng mga nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Samantala, aabot sa mahigit 1.8 milyong pamilya o katumbas ng mahigit 6.5 milyong indibidwal ang apektado mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, MIMAROPA at NCR.
Aabot sa mahigit 13,000 pamilya o mahigit 47,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa may 628 na evacuation centers sa nabanggit na mga rehiyon.
Pumalo rin sa halos 2,000 kabahayan ang napinsala ng sama ng panahon habang nakapagtala naman ng P4.6 bilyon pinsala sa imprastraktura at mahigit P1.4 bilyon naman sa agrikultura.
Samantala, aabot naman sa mahigit P95 milyon naman ang halaga ng mga naipaabot na tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng kalamidad.