Mahigit apatnapung porsiyento na ng target na mga bata sa Lambak-Cagayan ang nabibigyang-proteksyon sa nagpapatuloy na bakunahan kontra measles at rubella.
Ayon kay National Immunization Program Regional Coordinator Jermaine Farrah Liggayu, sa unang linggo ng Measles Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA), nasa mahigit 126,000 na batang 6-59 months old na ang natuturukan mula sa target na 309,000.
Mula lamang ito sa apat na lalawigan at hindi kabilang ang Batanes na una nang nagsagawa ng bakunahan noong Hunyo.
Pinakamarami sa nabakunahan ay mula sa Isabela na nasa mahigit 63,000; mahigit 38,000 sa Cagayan; 17,000 sa Nueva Vizcaya; habang may 7,500 na sa Quirino.
Nabatid pang nasa 393 ang mga naturukang zero dose child o hindi pa nabibigyan ni kahit isang dose ng MR vaccine.Sa ngayon ay may 47 na ring barangay ang nakaabot ng target na 95% at may mga lumampas pa, habang ang iba ay patuloy pa rin sa puspusang pagbabakuna.
Ayon kay Liggayu, partikular na tinutukan dito yaong mga lugar na mataas ang vaccine hesitancy, kung saan ilang teams na mula sa regional office ang na-deploy upang palakasin ang information drive sa mga ito.
Muli namang ipinaliwanag ni Assistant Regional Director Dr. Pretchell Tolentino na kinakailangan ang 95% o mataas na porsiyento ng vaccination rate upang maabot ang herd immunity, para buong komunidad ay magkakaroon na rin ng proteksyon mula sa nakakahawang sakit, kahit pa man yaong mga hindi nabakunahan.
Nabatid na simula kasi taong 2019 ay hindi pa naaabot ang naturang target kaya nagkaroon ng outbreak sa naturang mga sakit.Samantala, maliban sa pampublikong health facilities, patuloy na nakakatuwang ng DOH sa bakunahan ang mga pribadong ospital sa rehiyon, sa pangunguna ng Philippine Pediatric Society.
Libreng nagbibigay-serbisyo ang mga ito at walang anumang halagang sinisingil.