Hindi isinasantabi ng Department of Education (DepEd) ang anggulong naimpluwensyahan ng “Nihilistic Extremist Groups” ang mga nasa likod ng malagim na pamamaril sa ilang paaralan kabilang na ang pinakahuli sa Ateneo de Zamboanga University.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, target kasi ng groomers na samantalahin ang tinatawag na ‘disenchanted youth’ para galitin na magreresulta sa malagim na hakbang.
Panahon na aniyang bantayan ng mga magulang o guardian ang mga nakakausap ng mga bata online, sa parehong paraan na ayaw nilang may masamang impluwensyang lumapit sa mga bata sa pampublikong lugar.
Tugma ito sa impormasyong inilabas ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na naipluwensyahan ng mga kalaro sa Roblox ang Grade 8 student na shooter sa Zamboanga.
Paglilinaw ni Remulla, hindi ang laro kung hindi ang mga nakakausap dito ng mga bata ang siyag nag-uudyok sa mga ito na gumawa ng karumal-dumal na mga gawain.
Kaya naman una nang ipinanawagan ni Angara sa mga magulang na pakatutukan ang mga nakakausap ng kanilang mga anak online.