Mismong pinangunahan ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos ang ginanap na Roll Out of Government Services dito sa Brgy. Nuing, bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Sa naturang aktibidad, iba’t-ibang ahensya ang dumalo upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga residenteng naapektohan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong June 8, nitong taon.
Ang Jose Abad Santos ay isa sa mga bayang higit na naapektohan ng pagyanig kung saan libu-libong pamilya ang apektado.
Sa mensahe ni Cabinet Secretary Abalos, sinabi nito na ang rollout ng government services ay bahagi ng nagpapatuloy na tulong ng pamahalaan para sa pagbangon ng Jose Abad Santos, alinsunod sa utos ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Dumalo sa aktibidad ang mga ahensya ng TESDA na nag-alok ng training para sa kabuhayan ng mga apektadong residente; Department of Agriculture na namahagi ng mga seedlings, fertilizers, at iba pang agricultural inputs; DENR na nag-issue ng Wood Recovery Permit, at libreng chainsaw registration; DOLE na nagsagawa ng orientation ng TUPAD workers; at DHSUD para mga residenteng nangangailangan ng construction materials at modular housing units.
Ayon kay Abalos, bahagi ng sustainability efforts ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng lindol sa JAS ang whole-of-government approach, kung saan sama-samang inilalapit at patuloy na inihahatid ng iba’t-ibang ahensya ang kanilang mga serbisyo sa mga apektadong komunidad.
Sa naturang aktibidad, nagbigay ng kani-kanilang commitment ang mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan sa LGU ng Jose Abad Santos upang suportahan ang patuloy na pagbangon ng lugar mula sa epekto ng lindol.