Dahil sa malakas na pag-ulan na dulot ng mga nagdaang bagyo at ng patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat, binabalaan ng Laguna Lake Development (LLDA) ang publiko at ang mga aquaculture operators tungkol sa patuloy na panganib ng algal bloom at fish kill sa Laguna de Bay.
Ayon sa LLDA, maaaring mapabilis ng maaraw at mainit na panahon kasunod ng malakas na ulan ang photosynthesis ng algae. Kapag kalmado naman at halos hindi gumagalaw ang tubig, lalo na kung kakaunti ang hangin, mas nagkakaroon ng pagkakataong magtipon-tipon ang algae at bumuo ng makakapal na layer sa ibabaw ng tubig.
Ang magkakasunod na kondisyong ito sa kapaligiran ay maaaring magdulot ng pagbaba ng oxygen sa tubig, na maaaring humantong sa pagkamatay ng mga isda o fish kill.
Kaugnay nito, upang maiwasan ang panganib sa kalusugan, mahigpit na pinapayuhan ng LLDA ang publiko na huwag bumili o kumain ng mga isdang nakikitang lumulutang sa lawa dahil maaaring may taglay itong mapanganib na bakterya mula sa pagkabulok.
Iwasan din ang paglangoy, pagtatampisaw, o matagalang pagdikit ng balat sa mga bahaging may nakikitang algal bloom, dahil ang ilang uri ng algae ay naglalabas ng lason na nagdudulot ng pangangati sa balat at problema sa paghinga.