Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan, naaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 33-anyos na Chinese national na hinihinalang nagpanggap na isang Pilipino.
Ang operasyon ay pinangunahan ng BI Intelligence Division, kung saan nadakip ang suspek na gumagamit ng alyas na “Lin” noong Agosto 7 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 (NAIA 1) matapos itong dumating mula sa China.
Ayon sa BI, natukoy sa kanilang intelligence operations na ginagamit umano ng dayuhan ang isang Filipino identity. Sa isinagawang beripikasyon, nakumpirma ang tunay nitong pagkakakilanlan sa pamamagitan ng Chinese passport nito.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong misrepresentation at fraud, pati na sa paglabag sa Philippine immigration laws, bukod pa sa pagiging isang undesirable foreign national. Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, seryosong banta sa integridad ng ating pagkakakilanlan at mga sistema ng pamahalaan ang pagpapanggap bilang Pilipino. Nasa kustodiya na ngayon ng BI ang suspek habang dinidinig ang deportation proceedings laban sa kanya.