Photo courtesy of DPWH
Pinaigting ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni ng mga potholes at nasirang kalsada sa Metro Manila at iba pang lugar, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at komyuter sa gitna ng sunud-sunod na malalakas na pag-ulan.
Kabilang sa mga inaayos ang mga pangunahing lansangan, partikular sa mga lungsod ng Malabon, Maynila, Pasay, Taguig, Valenzuela, at Quezon City, kabilang ang EDSA Santolan Flyover, Macapagal Boulevard, Roxas Boulevard, at MacArthur Highway.
Sa Benguet, ininspeksyon ni Public Works Secretary Vince Dizon ang Gov. Bado Dangwa National Road sa Tublay, kung saan iniutos nito ang pagpapanumbalik ng mga nasirang curtain nets upang maiwasan ang pagguho ng lupa at mapanatiling ligtas ang daloy ng trapiko. Iniutos din ang pagpapalalim ng Bolo Creek sa La Trinidad upang mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka sa strawberry farmlands.
Binisita rin ni Dizon ang landslide area sa Guisad Surong, Baguio City, kung saan may mga nasawi at nawalan ng tahanan dahil sa matinding pag-ulan nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa DPWH, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng road restoration at flood control interventions sa mga apektadong lugar upang mabawasan ang panganib sa publiko at mapanatiling ligtas at maayos ang mga pangunahing kalsada sa panahon ng Habagat.