Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Dapat ding paglaanan ng tamang budget ang industriya ng turismo.
Ito ang binigyang-diin ni Central Luzon Tour Guides’ Association President (CLTGA) President Angelo Paulo Chico sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Chico, ang kawalan ng tamang departamento para sa turismo ng isang lalawigan, bayan, o lungsod ay isang indikasyon na hindi binibigyang-prayoridad ang naturang sektor.
Aniya, mayroon ding mga suliranin kaugnay ng procurement na maituturing na hadlang para sa tourism development.
Ibinahagi ng CLTGA president na nararanasan nila ang mga ito kapag kinakailangan na nila ng assistance para sa mga pagsasanay ng mga tour guide.
Paliwanag ni Chico, iba-iba rin ang sistema ng mga local government unit (LGU) pagdating sa pagtutok sa industriya ng turismo kaya naman sa kanyang palagay ay dapat nang magkaroon ng “national basis” upang mapagbuklod ang mga sistemang ito.
Ayon sa kanya, mahalagang maintindihan na ang pagpapa-unlad sa tourism industry ay paraan din upang mapangalagaan ang ating kultura at identidad.