Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Ipinunto ng isang samahan ng mga tour guide sa Gitnang Luzon na ang pagiging “future-proof” ng industriya ng turismo ay hindi isang konsepto na direktang susundan ng tourism stakeholders.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Central Luzon Tour Guides’ Association (CLTGA) President Angelo Paulo Chico na ang pagiging “future-proof” ay ang kakayahan ng tourism industry na maging “versatile” na naaayon sa aktwal na pangangailangan nito.
Inihalimbawa na lamang dito ni Chico ang trend sa Timog Silangang Asya, kung saan nakapokus ang turismo sa pagpapalaganap ng kultura.
Binigyang-diin ng CLTGA president na kailangang makasabay ng industriya sa mga trend kaya naman mahalaga na mayroong mga tao na magbibigay mismo ng feedback upang maiayon ang best practices sa trends.
Samantala, sinabi ni Chico na ang pagiging “future-proof” ng industriya ng turismo ay nakasalalay sa pagkakaroon ng “sense of identity” o “sense of branding” ng isang lugar.
Inihayag din ng CLTGA president ang kahalagahan ng sustainability ng mga proyekto, gaya ng mga pagsasanay at pananaliksik, na kinakailangan para sa tourism development.
Dito ay ibinahagi rin ni Chico ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng turimo sa kani-kanilang lalawigan, bayan, o lungsod.