Screengrab from Radyo Pilipinas World Service livestreaming
Binigyang-diin ng Central Luzon Tour Guides’ Association (CLTGA) na lubhang naapektuhan ng geopolitical issues, kabilang na ang tension sa Gitnang Silangan, ang mga tour guide sa naturang rehiyon, lalung-lalo na noong nagtaas ang halaga ng mga produktong petrolyo.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni CLTGA President Angelo Paulo Chico na direktang natamaan ang sektor ng transportasyon at kapag hindi ginaganahang pumunta sa tourist destinations ang mga tao, ang unang-unang naaapektuhan ay ang mga tourism frontliner gaya ng tour guides.
Ani Chico, noong panahon ng tag-init ay nakita nila ang mga kanselasyon o rescheduling ng bookings at sa panahon ngayon na binabagyo at mayroong hanging Habagat, hindi na natutuloy ang mga tour.
Ayon sa CLTGA president, ang mga buwan ng Hunyo, Hulyo, at Agosto ay maituturing na “low peak season” para sa industriya ng turismo sa Central Luzon.
Dagdag niya, kailangan ding maunawaan na ilan sa mga lalawigan sa Central Luzon ang sentro ng mga isyu na may kinalaman sa flood control — kabilang na ang Bulacan at Pampanga.
Matatandaan na nagdeklara kamakailan ang mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, at Pampanga ng State of Calamity dahil sa naging epekto ng malakas na pag-ulan sa magkakasunod na araw dulot ng hanging Habagat.
Ayon pa kay Chico, kahit na ginagawa ng mga tour guide at iba pang tourism frontliners ang lahat upang mapayabong ang industriya ng turismo sa rehiyon ay makasalalay pa rin ito sa kahandaan ng bawat lugar, kabilang na pagdating sa estado ng trapiko.