Photo courtesy of Department of Information and Communications Technology
Nakatutok na rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga hakbang laban sa Nihilistic Violent Extremism (NVE) at iba pang mapanganib na content online na maaaring makaimpluwensya sa mga bata at kabataan.
Ayon kay DICT Sec. Henry Aguda, pinaigting na nila ang koordinasyon sa National Telecommunications Commission, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, Philippine National Police, mga internet service provider, telecommunications companies at digital platforms para sa mas mabilis na monitoring at pagtugon sa mga online threat.
Sa ngayon, nagsasagawa na aniya ng voluntary network-level blocking ang Globe Telecom, PLDT, Smart Communications at Converge ICT Solutions kung saan bina-block ang mga website na naglalaman ng graphic violence, school shooting footage, child sexual abuse and exploitation materials, scams at iba pang ipinagbabawal na content.
Ang PLDT at Smart, nakapag-block na ng mahigit 100 domain na may kaugnayan sa extreme violence, habang pinalawak naman ng Globe ang blocking sa mga website na naglalaman ng gore at real-world violence.
Samantala, iniulat ng Converge na halos 12 bilyong access attempts sa harmful websites ang na-block nito at mahigit 72,000 domain ang na-blacklist noong nakaraang taon.
Patuloy namang hinihikayat ng DICT ang mga katuwang nito sa pamahalaan at industriya na manatiling mapagbantay at responsable upang mapigilan ang paggamit ng internet sa pagpapalaganap ng karahasan, exploitation at iba pang mapanganib na gawain.