Sang-ayon ang mga House prosecutor sa panukalang ilipat sa hapon at pahabain ang oras ng paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang proseso.
Ayon kina House prosecutors Joel Chua at Terry Ridon, walang pagtutol ang prosecution sa pagdaraos ng mga pagdinig hanggang gabi.
Sinabi ni Chua na makatutulong ang mas mahabang oras para matapos ang presentasyon ng ebidensiya at mga testigo nang hindi nakokompromiso ang hustisya.
Target aniya ng prosecution na matapos ang kanilang presentasyon ng ebidensiya at mga testigo bago matapos ang Setyembre.
Ayon naman kay Ridon, maaari pang suportahan ng prosecution ang pagdagdag ng ikaapat na hearing day kada linggo upang mabawi ang oras na nawala dahil sa mga abalang dulot ng panahon.
Ganito rin ang posisyon ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., isa sa mga endorser ng impeachment.
Aniya, mahalagang magpatuloy ang paglilitis hindi lamang para agad itong matapos, kundi para mabigyan din ng pagkakataon ang publiko na marinig at suriin mismo ang mga ebidensiyang inihaharap sa kaso.