Plano ng Bureau of Customs o BOC na idulog sa National Police Commission o NAPOLCOM ang naging tensyon sa pagitan ng mga tauhan nito at Philippine National Police-Highway Patrol Group o PNP-HPG matapos umanong salakayin ng huli ang isang compound ng incinerator facility kung saan isinasagawa ang pagsira sa mga nakumpiskang smuggled na sigarilyo.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, obligasyon niyang magsagawa ng kaukulang hakbang bilang pinuno ng ahensya, lalo na’t ginagampanan lamang ng mga tauhan ng BOC ang kanilang tungkulin.
Iginiit ni Nepomuceno na dapat tratuhin nang may paggalang at propesyonalismo ang mga tauhan ng Customs at sundin ang umiiral na inter-agency protocols.
Samantala, tiniyak ni Nepomuceno na nananatiling matatag ang partnership ng BOC at PNP sa kabila ng insidente.
Umaasa rin ang BOC chief na hindi maaapektuhan ng nangyari ang matagal nang pagtutulungan ng dalawang ahensya sa paglaban sa smuggling at iba pang iligal na kalakalan.