Nakapagtala ang Manila Health Department ng 16 na bagong kaso ng Leptospirosis at isang bagong nasawi sa Maynila batay sa pinakahuling disease surveillance update nitong August 24.
Dahil dito, umabot na sa 229 ang kabuuang kaso ng Leptospirosis sa lungsod mula January 1 hanggang August 24, habang 13 na ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa sakit.
Nakapagtala rin ang MHD ng limang bagong kaso ng dengue, kaya umakyat sa 2,367 ang kabuuang kaso ngayong taon. Walo na rin ang naitalang nasawi dahil sa Dengue.
May lima ring bagong kaso ng Influenza-like illness na nagdala sa kabuuang bilang sa 1,002, habang tatlong bagong kaso naman ng Severe Acute Respiratory Infection ang naitala, kaya umabot na ito sa 298.
Samantala, walang bagong kaso ng Cholera, Typhoid Fever, at COVID-19 sa pinakahuling monitoring.
Patuloy na pinapayuhan ng MHD ang publiko na umiwas sa paglusong sa baha, panatilihing malinis ang kapaligiran, at agad magpakonsulta kapag nakararanas ng sintomas ng sakit.