Binigyan ng pagkakataon ng Department of Social Welfare and Development sa Central Visayas (DSWD) 7 ngayong araw ang mga benepisyaryo na mula sa lungsod ng Cebu na hindi pa nakatanggap ng kanilang ₱2,000 Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance.

Isinasagawa ngayon ng DSWD 7, katuwang ang Department of Social Welfare Services sa Pamahalaang Panlungsod ng Cebu, ang payout para sa mahigit 1,000 na mga benepisyaryo na mula sa 74 mga barangay ng lungsod sa Cebu City Sports Institute sa Barangay Sawang Calero.
Ayon kay Portia Basmayor, pangulo ng DSWS, ang nasabing mga benepisyaryo ang hindi pa naka-claim ng kanilang tulong pinansiyal sa unang payout na isinagawa noong nakaraang buwan sa isang mall sa lungsod.
Binigyan sila ng pagkakataon ng DSWD 7 na matanggap ang kanilang financial assistance na siyang layunin ng programa.
Sinabi ni Basmayor ang ibang mga benepisyaryo ay hindi napasama sa unang mga nakatanggap dahil hindi sila na-locate ng kanilang mga barangay.
Aniya, kailangan magpakita ang mga benepisyaryo na nasa listahan ng DSWD 7 sa itinakdang payout ngayong araw hanggang alas 3 ngayong hapon upang makatanggap sila ng tulong pinansiyal hanggang Disyembre ngayong taon.
Halos 4,000 ang bilang ng mga benepisyaryo sa UPLIFT Assistance sa Cebu City.